Sen. Chiz Escudero’s speech
November 24, 2009
Magandang umaga sa inyong lahat, magsi-upo po tayo. Maikli lamang ito.
Simula noong umalis ako sa NPC noong ika-28 ng Oktubre, ginawa ko yun upang Malaya akong Makita at matanaw ang dapat kong gawin kaugnay ng 2010 elections. Ginawa ko ‘yun upang hindi nakapiring at hindi nakatali ang aking mga mata’t mga kamay para malaman kung ano ang dapat kong magawa sa ating sambayanan sa darating na panahon. Mula sa aking Malaya na pagkakatayo, tunay namang mas nakita ko ang dapat nating gawin bilang isang bansa at bilang isang lahi. Kabilang na ang pag-amin at pag-ako ng aniuman kakayanan o kawalan nito kaugnay sa mga mithiin, pangarap at layunin natin para sa ating bansa.
Nitong mga nagdaang araw, nagnilay-nilay ako, kumausap sa maraming malalapit na kaibigan at gayundin pamilya, kinausap ang ilan sa ating mga kababayan at pinagpasyahan ang aking papel na gagampanan sa darating na halalan. Akala ko magiging madaling desisyon pero hindi pala. Akala ko napakadali ang magiging pasya pero hindi pala. I’ve always said that for me, it’s the presidency but not at all cost. Not at the cost of losing my soul, not at the cost of losing myself, not at the cost by being eaten up by the system and the process and certainly not at the cost of not being able to do the things that I was and set out to do. Para sa akin panguluhan lamang ang aking nasa isip subalit hindi ko ito hahanapin at kukunin kung sa proseso ng pagkuha nito mawawala po ang aking sarili’t kaluluwa. Hindi ko rin kayang gawin ang dapat at gusto kong gawin at kung makakain lamang ako ng sistema. Para sa akin, hamon itong dapat tingnan ng lahat na ng unang nagdeklara, sila ba’y nakain na ng sistema o hindi pa, sa daan tungo sa panguluhan. Sila ba ay kaya pa ring gawin ang lahat ng pinangako sa atin na magaganda at matatamis habang nangangampanya. Hindi ko makokonsensyang sabihin ‘yan kung hindi ko rin lang kayang gawin kung ako ay pagtitiwalaan niyo. Dahil po sa lahat ng nabanggit ko, akala ko’y madali pero hindi. Napagpasyahan ko, na hindi tumakbo bilang pangulo sa darating na halalan. Napagpasyahan ko na hindi man bilang kandidato, ako’y may papel na pwedeng gampanan bilang Pilipino at ordinaryong botante sa panahong ito. Napagpasyahan ko na hindi lang ngayon ang panahon para matupad ang pinanghahawakan kong pangarap at layunin kong panguluhan nang hindi nakatali. Patuloy kang panghahawakan ang pangarap at pangakong iyan. Hindi man ngayon kundi sa darating na panahon.
Nais kong gamitin ang pagkakataong ito para magpasalamat sa lahat nang mga naniwala at nagtiwala; sa lahat ng gumalaw at kumilos maski na walang salapi o pera; sa lahat ng nagsalita at naniwala, sumigaw at nakiisa sa aking pangarap ng walang katumbas at kapalit. Kaninang umaga, bago ako umalis binisita ko yung dalawang anak ko na kambal at yun lang ang nagbigay sa akin ng lakas humarap sa inyo ngayon dahil maraming nagsasabing kung hindi ka rin lang naman tatakbo Chiz bakit kapa magpepress-con? Mag press release ka na lamang. Buong tapang at buo ang loob kong nais sabihin ito sa harap ninyo. Dahil hindi ko kinakahiya anumang salitang binigkas ko ngayon.
Kasabay ng inyong kalungkutan, marahil ganun din ang aking kalungkutan. Pero kasabay ng kalungkutang yan, ang pagnanais at pangarap at pangakong nais kong hawakan pa rin natin matapos nating lumisan ng silid na ito. Ang pangako ng isang bagong Pilipinas; ang pangako ng isang bagong pagbabago; ang pangako ng isang Pilipinas na hindi tulad ngayon, na kung hindi man natin makakamtan ngayon at sa pamamagitan ko san a magampanan ito nang mga nagpapakilala sa ating reresolba sa lahat ng ating problema. Kaisa ninyo ako at kaisa ako nang sinumang pagtitiwalaan ng sambayanan sa mga darating na araw. At bilang botante, bilang Pilipino, bilang senador patuloy akong mananalig sa kakayanan ng Pilipino at ng ating bansa na malampasan ang mga hamon at pagsubok na ito. Salamat po sa inyong pagtitiwala nitong mga nagdaang araw. At salamat din po sa inyong pagtitiwala sa akin sa aming grupo at sa aming lahat, sa adhikaing aming pinanghawakan. Makakaasa kayo na patuloy namin itong gagawin at gagampanan sa mga susunod pong araw. Sa muli po, taos pusong pagbati, salamat sa pagbisita at isa pong maganda at pinagpalang umaga.
No comments:
Post a Comment